Reaction Paper tungkol sa Kontemporaryong Isyu
Base sa mga natutunan ko sa araling ito, masasabi ko na nakukuha ko ang mga impormasyon ukol sa mga kontemporaryong isyu sa pamamagitan ng mga primariya at secondariyang sanggunian. Ang mga primariyang sanggunian ang mga tala ng mga pangyayari mula sa mga witness o mga nakakita ng pangyayari mismo tulad ng mga legal documents, samantalang ang mga sekondariyang sanggunian ang mga tala ng mga pangyayari na mula sa iba’t ibang mga primariyang sanggunian na interpretasyon ng nagsulat o gumawa nito at ipinagsama sa iisang sanggunian tulad ng mga aklat at dyaryo (maaari ring maging primarya pero ito ay nakadepende sa nilalaman nito) o kaya nagmula sa mga taong hindi nakakita mismo ng pangyayari pero may ideya kung paano ito naganap o nagmula. Karagdagan, napansin ko rin na kaming mga kabataan at mag-aaral ay namumulat sa mga isyu sa pamamagitan ng pagkonsumo ng mga imporasyong ibinibigay ng mga medya. Kadalasan, ang mga impormasyon ukol sa mga kontemporaryong isyu na nalalaman namin nakikita sa social media na kung saan makikita ang mga accounts ng mga news outlets, tulad ng CNN Philippines, mga kawani ng gobyerno, mga organisasyon, at maging ng mga sikat na tao (na masasabi ko na sa lahat ng nabanggit, ito ang hindi gaanong mapagkakatiwalaan dahil maaaring ito ay biased o base sa opiniyon niya lamang). Minsan naman, makikita rin natin ang mga impormasyon tungkol sa mga kontemporaryong isyu sa mga mainstream media tulad ng dyaryo, telebisyon, at radyo. Mahalagang malaman natin ang mga impormasyon na nakalap natin sa parehong paraan upang mapagkumpara natin ang mga impormasyon at matukoy kung alin dito ang nagsasabi ng katotohanan sa hindi.
Para sa akin, nakakatulong ang pagkamulat sa mga kontemporaryong isyu sa pagtukoy kung ano ang tunay na nangyayari sa ating lugar o kaya bansa, at kung ano ang magagawa natin dito. Sa pamamagitan nito, matutukoy natin kung ano ang epekto ng isang isyu para sa ating lugar at/o bayan at mga kababayan, at kung ano ang mga pwedeng mapabuti o kaya baguhin sa mga aksyong ginawa para sa isyung tinatalakay. Nakakatulong din na may kaalaman tayo sa mga isyu sa paggawa ng mga programa at batas na tama o nababagay na iimplementa sa ating lugar o bansa. Isang halimbawa nito ay ang pagpasa ng SOGIE Equality Bill sa kamara kung sang-ayon ba o hindi ang taong bayan, na kung saan matutukoy natin kung ano ang epekto nito sa lahat ng mga mamamayan at kung ito ba ay tamang isabatas sa ating bansa. Mauunawaan din natin ang mga ginagawang programa na naglalayong solusyunan ang mga suliraning nangyayari sa bansa at malamang mabuti kung mayroon pa bang kailangang ayusin o wala na. Para sa akin, mas nakakabuti kung may alam din tayo sa mga mga programang ginagawa para masolusyunan ang mga suliranin, dahil naniniwala ako na mas magiging kumbinsido ako na makilahok sa isang gawain kung mayroon akong nalalaman tungkol sa gawain o programang ito at ang epekto nito para sa lahat ng mga mamamayan at sa mga nasa paligid natin. Sa mga naipahayag kong epekto ng pag-aaral ng kontemporaryong isyu, masasabi ko na malaki ang ambag ng pag-aaral ng mga isyu sa ating lipunan upang mas mapabuti ang sitwasyon ng lahat ng mga mamamayan sa araw-araw na pamumuhay.
Dalawa ang masasabi kong pinakamahalagang natuklasan ko sa araling ito, dahil para sa akin, ang mga ito ay may kaugnayan sa isa’t isa. Ang isa sa mga mahahalagang natuklasan ko sa araling ito ay dapat magsaliksik muna ako tungkol sa isyung pinag-uusapan o kaya nagaganap na mismo sa aking paligid. Hindi dapat ako maniwala o pumanig agad-agad sa mga nakikita ko sa social media dahil lang marami itong engagements o kaya mga influencers ang nagsabi nito, dahil maaaring sila ay biased o kaya ay hindi masyadong napag-aralang mabuti ang isyu na kanilang tinutukoy. Importante na may alam ka muna tungkol sa isyu na balak mong talakayin o kaya nakikita mo sa iyong paligid bago magsalita ukol dito. Isa pang mahalagang natuklasan ko ay hindi lahat ng mga sumisikat na talakayan sa mga medya ay masasabi natin na kontemporaryong isyu dahil maaaring wala namang itong epekto sa mga tao sa paligid o kaya ito ay isang di pagkakaunawaan lamang. Masasabi natin na ang isang talakayan ay isang isyu kung ito ay may maaaring maapektuhan ang kalagayan ng isang lugar o bansa, at/o kaya mga kababayan natin o sa ating sarili. Maganda na may alam ka sa mga isyu sa lipunan, upang malaman mo rin ang koneksyon nito sa mga programa o gawain na inilulunsad at para matukoy mo rin kung tama pa ba o mali na ang ginagawa ng iba sa iyo at/o sa kapwa mo. Ang pag-aaral ng paksang ito ay makakatulong sa aking araw-araw na pamumuhay at pati na rin sa pagkakaroon ng ambag bilang isang iskolar.
Magagamit ko ang mga napag-aralan ko sa araling ito upang matukoy kung anu-ano ba ang mga kontemporaryong isyu na nagaganap sa aking lugar at bansa, at mamulat sa mga epekto nito hindi lamang sa aking sarili at sa mga mamamayan pati na rin sa mga sistemang maaaring maapektuhan o madamay dahil dito. Sa pamamagitan ng pagbabasa mula sa mga mapagkakatiwalaang sanggunian at sa pakikipagtalakayan sa mga tao na may kaalaman sa isyu nais kong matutunan, masasabi ko na ito ang mga gawain na maaari kong gawin upang magamit ang mga natutunan ko. Makakatulong sa akin sa pagbuo ng pananaw ukol sa mga isyung nangyayari sa aking lugar ang mga pamamaraan na nabanggit ko. Masabi ko rin na hindi na rin ako basta-bastang papanig sa isang partido dahil lang makakabuti sa akin at/o sa mga taong malapit sa akin o kaya ay wala naman itong epeko para sa akin ang isyung ito. Isa pang dahilan upang hindi ako basta-basta pumanig ay dahil maaaring wala naman akong gaanong kaalaman o kaya ay hindi pa sapat ang mga nalalaman ko tungkol sa issue na ito. Pagkatapos kong maunawaang mabuti ang mga isyu na aking napag-aralang mabuti, masasabi ko na maaari na akong makapagbigay ng aking kaalaman sa iba na nais matuto sa isyung ito, pero hindi dapat ako manakit ng iba kung iba ang aking opinyon sa kanila dahil naniniwala ako na maaari pa silang matuto ukol rito o kaya iba ang talagang ipinaglalaban nila. Walang maling opinyon, pero iba ang opinyon sa katotohanan, at ang mga opinyon na dapat ibinibigay natin ay base sa katotohanan. Higit sa lahat, dapat maging maingat din ako sa pagpopost sa social media, dahil baka sa isang post ko ay may masaktan na akong damdamin ng iba o kaya ay makapagbigay ako ng maling impormasyon ukol sa isang isyu. Hindi dapat ako maging biased at dapat ay may kaalaman ako sa parehong panig kung nais kong magpahayag ng isang saloobin sa aking mga accounts, pero dapat sa huli ay ipinaglalaban ko kung ano ang tama para sa lahat. Marami pang ibang paraan kung paano ko magagamit ang aking mga natutunan sa araling ito, pero para sa akin, ang mga nabanggit ko ay ang mga gawain na sigurado akong gagawin ko sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Comments
Post a Comment