Performance Task #2

Sustainable Development Goals (SDG) 

Ang nilalaman ng blog na ito ay ang mga programa ng gobyerno upang matugunan ang sustainable development goals, impormasyon sa mga ito, at ang aking opinyon tungkol sa mga ito.

1. No Poverty 

a. Project: Pantawid Pamilyang Pilipino Program 

b. Information
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay naglalayong  makapagbigay ng conditional cash grants sa mga mahihirap nating  kababayan. Ang layunin ng programang ito ay makapagbigay ng  serbisyong panlipunan at salapi sa mga naghihirap na pamilya  upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan, at ang  magkaroon ng kaunlaran sa lipunan sa pamamagitan ng pagbibigay  serbisyong medical katulad ng deworming sa mga bata at mga  check-up para sa mga buntis at edukasyon para sa mga kabataan.  Ang programang ito ay ginagawa sa lahat ng bahagi ng Pilipinas.  Inaalam ang mga magiging benepisaryo ng programang ito sa  pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty  Reduction (NHTS-PR). Nakakapagbigay ang programang ito ng ₱6,000 kada taon sa bawat pamilya bilang health grant at ₱3,000  kada taon naman sa isang bata bilang education grant (hanggang  tatlong bata lang ang maaaring irehistro dito). Naibibigay ang mga  salaping ito sa mga sangay ng Land Bank of the Philippines, sa  Globe G-Cash remittance, o sa mga rural banks na matatagpuan sa  kanilang lugar. Upang makasali sa programa, dapat ang isang  mamamayan ay nakatira mula sa mga mahihirap na siyudad o  munisipalidad, sila ay mayroong anak na mula 0-18 years old at/o  may buntis na kasama noong mayroong pagsusuri sa kanila, ang  mga pamilyang ito ay naghihirap, at sumasang-ayon sa mga  kondisyon ng programang ito. Ang Department of Social Welfare and  Development (DSWD) ang kawani ng gobyerno na namamahala ng  programang ito sa kasalukuyan. Nakikipag-ugnayan din ang DSWD  sa iba pang mga kawani ng gobyerno katulad ng Commission on  Higher Education, Department of Labor and Employment, at  Philippine Association of State Universities and Colleges na  makapag-enroll ng mga kasama sa programang ito sa mga  unibersidad, at PhilHealth upang makapagbigay ng insurance sa  mga kasapi ng 4Ps sa pamamagitan ng National Health Insurance  Program. 

c. Opinion:
Masasabi ko na maganda ang programang ito ng gobyerno sa  pagtatapos ng kahirapan sa bansa. Para sa akin, maganda na  nasusuportahan ang mga naghihirap nating mga kababayan sa  pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga salapi upang  masuportahan ang kanilang mga sarili at mga pamilya. Nakakabuti  rin para sa kapakanan nila na magkaroon ng pagkakataon na  makaranas ng serbisyong medikal at edukasyon na naibibigay ng  programang ito. Ngunit sa kabila ng mga magandang epekto nito,  naniniwala ako na may hindi rin ito magandang epekto sa ating  lipunan at may mga bagay na kailangang gawin upang mas  mapaayos pa lalo ang pagsasatupad ng programang ito. Maaaring  gamitin lang sa ibang bagay ng ilan sa ating mga kababayan ang  salaping natatanggap nila, tulad ng pagsusugal. Hindi naman natin  masasabi na mabuti ang intensyon ng lahat ng tao sa isang bagay.  Mas mapapaganda naman ang serbisyo na naibibigay ng  pamahalaan sa programang ito kung magkakaroon rin ang iba nating  mga kababayan na pagkakataon na makasali rin sa programang ito.  Hindi kasi lahat ng naghihirap ay nakakasali sa programang ito, na  nagdudulot ng hindi nila pagkuha ng suporta mula sa gobyerno. Mas  matatapos ang kahirapan kung ang lahat ng naghihirap ay may  pagkakataon na matulungan ng mga nasa posisyon at ng taong  bayan.

2. Zero Hunger 

a. Project: National Food Policy 

b. Information 
Ang National Food Policy ay ang polisiya ng pamahalaan kung saan  pinagkakasundo nito ang mga kawani ng gobyerno na gumawa ng  mga estratehiya at programa na magwawakas sa kagutuman,  magpapaunlad sa nutrisyon, makakasiguro ng seguridad sa  pagkain, at maiaasenso ang sustainable agriculture sa ating bansa. Ang mga layunin ng polisiyang ito ay suriin at paunlarin ang mga  polisiya, patakaran, at mga batas na konektado sa pagtatapos nng  kagutuman sa bansa, pagsisisguro na mayroong mura na  makukuhang pagkain, masisigurado ang kasapatan ng nutrisyon sa  mga tao, pagsisiguro ng kaligtasan at pagkarating ng mga pagkain  sa mga tao, at makakapagbigay ng impormasyon at edukasyon sa  mga mamamayan tungkol sa kagutuman at ang mga paraan kung  paano matatapos ito. Inilunsad ito ng pamahalaan noong Oktubre  2020 kasabay ng World Food Day na inanunsyo ni Agriculture  Secretary William Dar. 

c. Opinion 
Masasabi ko na maganda ang polisiyang ito ng gobyerno kapag  naipatupad ito nang maayos. Dapat lahat ay makakakain ng  masusustansyang pagkain anuman ang estado nito sa buhay, lalo  na’t ngayon ay may pandemiyang kinakaharap ang ating bansa.  Hindi na dapat hayaan ng mga awtoridad na may mga smuggled na  pagkain na makapasok sa ating bansa dahil maaapektuhan dito ang  mga manggagawang Pilipino na nagtataguyod ng seguridad ng  pagkain sa ating bansa at maaari rin na may dalang panganib sa  ating kalusugan ang mga ito. Maganda rin kung mapapaloob sa  polisiyang ito ang urban gardening, kung saan mahihikayat ang mga  tao na magtanim sa kani-kanilang mga tahanan kahit wala silang  bakuran. Masisiguro dito na ligtas ang kinakain ng mga tao at makakatipid rin sila. Dapat lang na maipagpatuloy ang pag-aasenso  sa sektor ng agrikultura dito sa ating bansa. Hindi dapat mababa ang  tingin sa ating mga magsasaka at mangingisda dahil sila ang  nagtataguyod ng ating mga kinakain sa araw-araw. Naniniwala ako  na dapat bigyan pa ng suporta ang mga nasa sektor na nabanggit  dahil ang iba sa kanila ay hindi nabibigyang suporta ng pamahalaan  at sa halip ay nahihirapan pa ang mga ito. Importante na matugunan  ng pamahalaan ang pagkain ng mga mamamayan dahil ito ang isa  sa mga bumubuhay sa ating lahat. 

3. Good health and well-being 

a. Project: National Health Insurance Program 

b. Information 
Ang National Health Insurance Program (NHIP) ay sinimulan upang  makapagbigay ng mura, katanggap-tanggap, nalalapitan, at  magagamit na health insurance para sa lahat ng mamamayan.  Nagagamit ito sa kahit anong pasilidad na nagbibigay ng serbisyong  medikal, mapapribado man ito o pampubliko. Ang tungkulin nito ay  tulungan ang mga taong may sakit sa pagbibigay ng serbisyong  medikal at sagutin ang mga gastusin dpara dito. Napapaloob sa  programang ito ang maayos na sistema sa pangongolekta,  paghahawak, at pagbibigay ng pondo para sa pagkakamit ng health  insurance benefits ng mga mamamayan. Ang programang ito ay  dapat binabayaran ang mga serbisyong medikal na ibinigay para sa  mga benepisyaryo ng programang ito. Sa kasalukuyan, ang  Philippine Health Insurance Cooperation (PhilHealth) ay ang  ahensya ng pamahalaan na nangangaiswa ng NHIP. Ito ay ang  gumagawa at nagpapatupad ng mga polisiya sa programang ito,  nangangasiwa ng probisyon ng mga health benefits at mga  patakaran na kailangan upang masiguro ang kalidad ng programa,  bumibisita sa mga pasilidad na nagbibigay ng serbisyong medikal  upang masiguro na nakikinabang ang mga pasyente sa programang ito, at masiguro na ang mga kontribusyon ng mga miyembro nito ay  napupunta rin sa kanila sakali man na magkasakit sila.  

c. Opinion 
Base sa mga balitang napapanood ko pati na rin sa mga kwento ng  karanasan ng aking mga kakilala, masasabi ko na maganda sana  ang programang ito ng gobyerno ngunit hindi lahat ng tao ay  nakikinabang dito. Ang ₱15 bilyon na nanawala sa PhilHealth ay  nakakabahala sapagkat ang taong bayan ay naglaan ng kanilang  mga salapi para lang roon. Naniniwala ako na hindi dapat na hayaan  lang na manakaw ang mga pondo rito dahil kalusugan ng mga  mamamayan ang nakasalalay lalo na ang mga naghihirap na  umaasa na lang sa tulong ng iba para lang makatanggap ng  serbisyong medikal. Isa pa, mula pa noon ay palakasan na ang  nagiging sistema sa programang ito. Ang mga walang kilala sa mga  opisina ng ahensiyang iyon ay maaaring hindi agad makatanggap ng  mga health insurance na maaaring umuwi sa pagkakabaon ng mga  ito sa mataas na bayarin sa mga ospital samantalang ang mga may  kakilala naman ay nakikinabang kahit hindi naman ganun kalala ang  karamdaman nila. Hindi na dapat hayaan na magkaroon ng sistema  ng palakasan lalo na sa sektor na pangkalusugan dahil buhay na ng  tao ang nakataya rito. Dapat na maging patas na ang mga nasa  ahensyang ito sa pagbibigay ng mga serbisyo sa taong bayan at  hindi sila hayaan na makakuha ng mga pondo dito para lang sa  sariling interes. 

4. Quality education 

a. Project: Computerization Program 

b. Information
Ang Computerization Program ay ang pagbibigay ng mga  kagamitang kinkailangan ng mga mag-aaral na maaaring  makatulong sa kanila na makasabay sa pag-unlad ng mundo sa  larangan ng teknolohiya. Ang programang ito ay nagbibigay rin sa  mga paaralan ng mga makabagong kagamitan na makakatulong sa  pagtuturo sa kanilang mga estudyante. Ang mga benepisaryo ng  programang ito ay ang mga pampublikong paaralan na nagtuturo sa  mga estudyanteng nasa Kindergarten, Elementarya, Junior High  School, Senior High School, at Alternative Learning System. Ang  batayan para sa programang ito ay ang pagkakaroon ng eskwelahan  ng pagkukunan ng kuryente, isang guro na makakapagturo ng  Computer Education, maghahawak ng computer laboratory, at mag aaral ng mga kaalaman tungkol sa paghahawak ng laboratoryong  ito, isang guro kada assignatura ng English, Science, at Math na  espesiyalista sa kanilang mga larangan, handang mag-aral ng mga  kaalaman tungkol sa teknolohiya at turuan ang kanilang mga  kasamahan sa trabaho, handang makipagtulungan sa iba pang mga  stakeholders sa komunidad para sa mga kinakailangang pasilidad at  magkaroon ng magandang relasyon sa kanila, at dati nang  nakatanggap ng mga computer mula sa iba pang programa ng  gobyerno. 

c. Opinion 
Naniniwala ako na ang programang ito ay makakatulong sa mga  estudyante at mga guro na makasabay sa pag-unlad ng teknolohiya  at edukasyon sa ating mundo, ngunit dapat lahat ng mga paaralan  sa ating bansa ay may pagkakataon na magkaroon ng mga  modernong teknolohiya na makakatulong rin sa pag-unlad nila. Kahit  may ganitong programa na ang pamahalaan, ang iba sa ating mga  eskwelahan ay wala pa ring mga kagamitan para sa Computer  Education at iba pang mga assignatura na mas makakapagpadali  para sa mga guro na makapagturo. Dapat na maging prayoridad sila  ng pamahalaan sa mga programang ganito, dahil mapagkakait sa  bagong kaalaman ang mga bata tungkol sa teknolohiya na maaari  nilang magamit sa mga susunod na panahon. Karagdagan, kahit na  may isang guro na magtuturo sa kaniyang mga kasamahan kung  paano gamitin ang mga kagamitan na ito, may ilan pa rin sa ating  mga kaguruan na walang kaalaman sa mga modernong kagamitan.  Ang iba kasi sa kanila ay gumagamit pa rin ng mga makalumang  kagamitan sa pagtuturo dahil mas madali at mas gamay na nila ito.  Naniniwala ako na dapat na turuan pa sila lalo tungkol dito, dahil mas  nakakatulong kung alam ng isang guro ang paggamit sa kaniyang mga kagamitan sa pagtuturo niya nang maayos sa kaniyang mga  estudyante. Mas mapapadali rin ang buhay ng mga guro kung mga  modernong kagamitan na ang kanilang gagamitin, Mas matututo rin  ang mga estudyante kung ang mismong nagtuturo sa kanila tungkol  sa teknolohiya ay may alam na sa larangan ng teknolohiya.

5. Gender equality 

a. Project: Gender and Development Program 

b. Information 
Ang Gender and Development Program (GAD) ay ang programa ng  pamahalaan kung saan nagkakaroon ng pag-unlad sa paniniwala at  proseso ng isang bansa na nagbibigay ng pagkakataon na  magkaroon ng isang lipunan na nirerespeto ang karapatang pantao,  nagkakaisa at sabay-sabay na nag-uunlad ag mga tao, at walang  karahasan. Ang layunin nito ay magkaroon ng gender equalty sa  mga pag-unlad na gagawin sa bansa at kasama ang mga  kababaihan sa paggawa ng pag-unlad hindi lang ang manahimik at  makinabang sa kaunlaran. Ang programang ito ay nagbibigay ng  pagkakataon sa lahat ng tao anuman ang kanilang kasarian na  maipahayag ang kanilang mga saloobin tungkol sa sistema at  maiayos ang mga programa at makagawa ng mga bagong programa  na makakapagbigay ng benepisyo sa lahat ng tao anuman ang  kasarian nito. Isinasaalang-alang rin ng programang ito ang mga  koneksyon at epekto ng mga plano ng pamahalaan sa lahat ng tao  anuman ang kasarian nito. 

c. Opinion 
Sinasabi na ngayon na ang Pilipinas ang isa sa mga bansa na may  gender equality. Noong nakaraang taon, pang-16 ang Pilipinas sa  mga bansang may maliit na pagitan sa mga babae at lalaki, pero  nangunguna naman ito sa buong Asya. May mga programa na ang  pamahalaan kung saan nabibigyang opportundidad ang mga tao  anuman ang kasarian nito. Halimbawa na lang sa TESDA, mayroon  silang welding course kung saan pwede mo itong kunin na kurso  anuman ang kasarian mo. Sa aking palagay, maganda ang  programang GAD sapagkat nagagawa ng mga mamamayan ang  kanilang mga gusto sa buhay at hindi naipagkakait ng mga tao sa  paligid nila ito. Natututo rin ang mga tao na irespeto ang isa’t-isa at 
bigyang daan ang iba pang mga tao na maipahayag ang kanilang  mga sarili sa iba gawa ng programang ito. Pero kahit na  naipapatupad na ang programang ito, masasabi ko pa rin na hindi  pa rin nakakamit tuluyan ang gender equality sapagkat nananatili pa  rin sa kultura natin ang gender stereotypes. May mga pahayag ang  ating mga opisyal noong mga nakaraang buwan na hindi raw kaya  ng isang babae na maging presidente o kaya hindi nila kaya ang iba  pang mga gawain na lalaki lang ang gumagawa. May ilan naman na  nagsasabi sa mga lalaki na mga babae lang ang gumagawa ng mga  gawaing ito o kaya nasasabihan na agad sila ng “bakla” sa paggawa  nito. Sa pagkamit ng gender equality, ang mga tao mismo, opisyal  man o hindi, ay dapat na matuto na ituring kapantay nila ang kanilang  kapwa anuman ang kasarian nito. Hindi matatapos ang suliraning ito  sa programa lamang ng pamahalaan kung hindi mismo ang mga  mamamayan ang gagawa ng mga pagbabago sa kanilang mga sarili. 

6. Clean water and sanitation 

a. Project: Clean Water Program 

b. Information 
Ang Clean Water Program ay ipinatupad ng gobyerno upang  mapabuti ang kalidad ng tubig sa ating bansa. Ang programang ito  ay konektado sa Philippine Clean Water Act of 2004 o ang R. A.  9275. Ang mga aktibidad sa programang ito ay ang pagbabantay sa  pagsunod ng mga industriya at kompanya sa batas, ang  pagkaklasipikasyon ng mga yamang tubig, at ang pagpapatakbo ng  mga water quality management areas (WQMAs) sa bansa. Ang  layunin nito ay mapaayos pa ang kalidad ng tubig sa bansa sa  pamamagitan ng paglilinis ng mga ito, pagbabantay sa mga  industriya, at rehabilitasyon ng mga anyong-tubig na nasa hindi  magandang kalagayan. Ang programang ito ay sinimulan ni  Departmenr of Environment and Natural Resources (DENR)  Secretary Roy Cimatu. 

c. Opinion 
Sa aking opinyon, napapansin ko naman na maganda ang mga  naging resulta ng programang ito sa ating mga yamang tubig. May  mga yamang tubig na nalinis katulad ng Manila Bay (pero mataas pa  rin ang focal coliform level nito) noong nasimulan ang proyektong ito.  Naniniwala naman ako na makakatulong ang programang ito ngunit  sana sa mga susunod na administrasyon ay magpatuloy ito. Ang  hindi ko lang nagustuhan sa pagpapatupad nito ay ang paglalagay  ng dolomite sand sa Manila Bay. May mga hindi magandang epekto  ang dolomite sa tao at kalikasan, at napansin ko rin naman na noong  nabagyo ay natangay din ito ng ulan. Naniniwala ako na ang  dolomite ay pansamantalang solusyon lamang sa problema sa  Manila Bay, at may iba pang mga solusyon na maaaring gawin para  lang masolusyunan ito. Masasabi ko na dapat makinig ang ating mga  opisyal sa mga experto natin bago sila gumawa ng mga solusyon sa  mga problemang kinakaharap ng ating bansa dahil alam ng mga ito  ang gagawin sa mga suliraning ito at maiiwasan ang mga  karagdagang problema na maaaring matanggap gawa ng mga  solusyong hindi napag-aralang mabuti. 

7. Affordable and clean energy 

a. Project: National Renewable Energy Program 

b. Information 
Ang National Renewable Energy Program ay base sa Renewable  Energy Act of 2008 o ang R. A. 9513. Ito ang ginawa upang  matulungan ang bansa na maisakatuparan ang mga layunin ng R.  A. 9513. Ito ang nagbibigay daan sa bansa magkaroon ng renewable  energy sa mga lugar sa ating bansa sa loob ng 2011 hanggang 2030.  Ang pagpaplano, pagpopondo, at pagpapatayo ng mga renewable  energy ingrastructures ay isinagawa hanggang 2020. Sinisiguro ng  programang ito na magkakaroon ng patuloy-tuloy at sama-samang  pagsisikap sa pagpapaunlad ng sektor ng renewable energy sa ating bansa, maipamalas ang mga pag-unlad sa teknolohiya, at maibahagi  ang renewable energy sa ating bansa. Ito ang nagtataguyod ng mga  basehan para sa pagpaplano ng renewable energy para sa lokal at  pambansang antas na makakapagtukoy ng mga aksyon sa  programang ito. Ang mga planong ito ay magiging mga salik sa  pagtatapos ng mga isyu tungkol sa elektrisidad ng ating bansa at  pag-uusap tungkol sa pag-unlad ng transmisyon at integrasyon ng  kuryente, energy efficiency, off-grid electrification, climate change,  technology transfer and development, kapasidad ng mga lokal na  imprastraktura, at pagkikipag-ugnayan. Ang programang ito ang  nagpapakita ng pag-unlad ng bansa sa pagbibigay ng elektrisidad sa  mga mamamayan.  

c. Opinion 
Para sa akin, ang programang ito ng pamahalaan ay nakakatulong  sa pagbabawas ng carbon emissions gawa ng mga coal at fossil fuel  powerplants sa ating bansa at nakakapagbigay rin ng kuryente na  hindi naaapektuhan ang kalikasan. Nais ko lang na magtuloy-tuloy  ang pagsasakatuparan ng programang ito sa mga susunod na  administrasyon dahil makakatulong ito hindi lamang sa atin kundi  pati na rin sa mga tao sa kinabukasan. Dapat isaalang-alang ng  gobyerno ang mabuti at ‘di-mabuting epekto ng renewable energy at  gumawa ng paraan upang mabawasan ang hindi magandang epekto  ng mga ito. Kung ang pera ng bawat tahanan ang gagamitin sa  pagpapatakbo ng renewable energy sa ating bansa, mahihirapan  ang ilan sa ating mga kababayan dahil ang iba sa kanila ay sapat  lang ang kinikita para sa araw-araw nilang pamumuhay. Naniniwala  ako na dapat ang gobyerno ang sasagot sa mga gastusin para sa  pagpapakabit ng renewable energy sa bawat tahanan dahil tungkulin  nila na makapagbigay ng (malinis na) elektrisidad para sa kanilang  mga mamamayan. 

8. Decent work and economic growth

a. Project: JobStart Philippines Program 

b. Information 
Ang JobStart Philippines Program ay inilunsad ng Department of  Labor and Employment (DOLE) sa pakikipag-ugnayan sa JobStart  Philippines. Ang programang ito ay nagtataguyod ng mga serbisyo  sa mga out-of-school youth na tumutulong sa kanila na maging  handa sa pagtatrabaho. Ang career guidance, 10-araw na  pagsasanay sa mga kasanayan sa buhay, at teknikal na mga  pagsasanay at internships na parehong tumataggal hanggang 3  buwan. Ang programang ito ay nagbibigay ng mga pondo sa mga  kompanya na sagutin ang gastos sa mga pagsasanay sa mga kasali  sa programang ito. Sa programang ito, ang mga employers ay dapat  na magpasahod ng 75% minimum wage sa mga kasapi nito sa loob  ng tatlong buwan na internship. 

c. Opinion 
Ang programang ito ang nakakapagbigay ng pag-asa sa mga out-of school youths natin na magkaroon ng magandang buhay. Maganda  ang programang ito para sa akin dahil nakakatulong ito sa pagbaba  ng unemployment rate ng ating bansa at ang mga kasapi ng  programang ito ay nakakapagtaguyod ng pangangailangan ng  kanilang mga pamilya. Ang mga kompanya ay mayroon ring  pagkakataon na makapaghanap ng mga empleyado nila na  makakatulong sa pagtakbo ng kanilang mga negosyo. Nakakatulong  rin ang programang ito na mapabuti ang tingin ng ibang tao sa mga  out-of-school youths dahil ang iba sa kanila ay piniling tumigil sa pag-aaral dahil sa kahirapan. Nais ko sana dumami pa ang mga  kompanya na makipag-ugnayan sa DOLE na sumama sa ganitong  prgrama para mas maraming mga out-of-school youth na mabigyan  ng trabaho. 

9. Industry, innovation, and infrastructure 

a. Project: Build! Build! Build! Program

b. Information 
Layunin ng Build! Build! Build! (BBB) Program na makapagpatayo ng  mga imprastraktura at makagawa ng mga proyekto na maaaring  makatulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa. Nais rin ng  programang ito na maipataas ang gross domestic product (GDP) ng  bansa mula 2.9% noong panahon ni Aquino sa 7.3% pagkatapos ng  pamumuno ni Pangulong Duterte. Ang gastos para dito ay mula ₱8  trilyon hanggang ₱9 trilyon mula 2016 hanggang 2022 upang  masolusyunan ang kakulangan sa imprastraktura ng bansa. Ang ilan  sa mga imprastrakturang ipapatayo at pinatayo sa programang ito  ay ang New Clark City, Cagayan De Oro Port, at ang Sorsogon City  Coastal Road. Ang mga ahensya ng gobyerno na nasa ilalim ng  proyektong ito ay ang Department of Tourism (DoTR), Department  of Public Works and Highways (DPWH), Department of Budget and  Management (DBM), Department of Finance (DOF), National  Economic and Development Authority (NEDA), at ang Bases  Conversion and Development Authority (BCDA). 

c. Opinion 
Masasabi ko na maganda ang layunin at ang mga imprastraktura na  ipinatayo sa programang ito. Masasabi ko na makakatulong sa pag usbong ng ekonomiya natin ang mga bagong daan at gusali na  ipinatayo dahil nagiging daan ang mga ito para sa mga investors  mula sa ibang bansa na maipagkalakalan sa bansa. Sa mga  gusaling ito nagkakaroon rin ng pagkakataon ang mga kababayan  natin na magkaroon ng trabaho dito dahil panigurado ang mga  gusaling ito ay nangangailangan ng mga tauhan na magpapatakbo  dito. Subalit, sa kabila ng mga magandang epekto ng BBB Program  ng pamahalaan, masasabi ko na may negatibong epekto rin ito sa  iba sa ating mga kababayan at sa ating kalikasan. Sabi sa isang  balita, ang mga katutubong Aeta natin sa Pampanga ay pinalayas  daw umano ng BCDA sa kanilang mga tinitirhan upang maipatayo  roon ang New Clark City. Naniniwala ako na kailangan pa rin naman  na respetuhin ang mga nakatira roon sa lugar na iyon at huwag  silang pilitin na palayasin para lang maipatayo ang imprastraktura na  nais ng pamahalaan. Maliban sa maaaring malagay sa panganib na  mawala ang kultura ng mga kababayan nating mga katutubo o  Indigenous People (IP) groups, maaari rin na malagay rin sa  panganib ang buhay nila. Naibalita naman na ang Kaliwa Dam na  ipapatayo sa bulubundukin ng Sierra Madre sa Quezon Province ay  makakatulong daw sa pagbibigay ng tubig sa mga tao sa Kalakhang  Maynila ngunit may mga IP groups rin na kumokontra at sinasabi na  ang pagtatayo nito ay maaaring makapagputol ng mga puno na  maaaring makaapekto sa biodiversity ng lugar. Ang mga hayop na  nanganganib nang maubos tulad ng Philippine Hawk Eagle,  Philippine Brown Deer, at Philippine Warty Pig ay maaaring maubos tuluyan dito. Maaari ring makapagdulot ito ng pagbaha sa may  Tanay, Rizal at sa mga kalapit na lugar nito dahil wala nang mga  bulubundukin na maaaring makapagpatigil sa epekto ng pag-ulan. Masasabi ko na sa pagpapatayo ng mga imprastraktura, dapat natin  isaalang-alang ang kasalukuyang kalagayan ng mga lugar na  pagtatayuan natin, dahil maaaring magkaroon ng mga epekto ang  pagbabago sa mga ito. 

10. Reduced inequalities 

a. Project: Comprehensive Tax Reform Program 

b. Information 
Ang Comprehensive Tax Reform Program ay inilunsad ng  pamahalaan upang mabawasan ang kahirapan at masolusyunan  ang hindi pagkakapantay-pantay ng mga tao sa estado ng buhay.  Ginawang simple, pantay-pantay sa lahat, at mas madali ang  sistema ng pagbubuwis sa ating bansa na makakatulong sa pag 
iipon ng pondo para sa paglunsad ng mga programa para sa taong bayan at sa pagpapatayo ng mga imprastraktura sa bansa. Ang mga  polisiyang nasa ilalim ng programang ito ay ang TRAIN, Tax  Amnesty, Corporate Income Tax and Incentives Rationalization, Sin  Taxes, Mining Taxes, Real Property Valuation, Passive Income and  Financial Taxes, Motor Vehicle User's Charge. Sa programang ito,  pinapababa ang buwis sa sweldo ng mga mamamayang sumasahod  mula ₱250,000 samantalang hindi na sinisingil ang mga mas  mababa ang sweldo dito. Ang mga buwis rin ng mga maliliit na mga  negosyo, mga may-ari ng lupa, pati na rin ang mga nagbibigay ng  donasyon ay pinababa rin. Ngunit tumaas ang buwis para sa langis  (pero mas mababa ang pagtaas sa diesel, kerosene, at LPG),  sasakyan, mga matatamis na pagkain, pagmimina, sigarilyo,  cosmetic products, mga dokumento, mga kapital mula sa mga hindi  naipagpalit na mga kalakal, transaksyon mula sa pakikipagpalitan ng  mga kalakal, at pakikipagpalitan ng mga salapi.

c. Opinion 
Ang programang nabanggit ay maganda para sa akin dahil  nababawasan nito ang buwis ng mga manggagawa natin at  ipinapataw na lang ito sa mga bagay na hindi naman mahalaga para  sa araw-araw na pamumuhay. Masasabi ko rin na ang mga buwis  na mapupunta dito ay ibibigay sa mga programa ng gobyerno na  masasabi kong maganda rin. Ngunit sa totoo lang, iba ang nangyari  sa ating lipunan gawa nito kaya naman nag-aalangan na ako sa  programang ito. Napababa nga ang buwis ng mga manggagawa  pero napataas naman nito ang ilan sa mga bilihin pati na rin ang  presyo ng langis. Gawa kasi ng programang ito, nagkaroon ng  inflation sa presyo ng mga bilihin. Hindi rin naman nakikinabang ang  mga mahihirap dahil matagal na silang ‘di nagbabayad ng buwis pero  tumataas lalo ang mga bilihin. Ang mga maliliit na mga negosyante  naman na nagtitinda ng mga sigarilyo at matatamis na inumin ay  naapektuhan din dahil wala na silang kikitain gawa ng pagtaas ng  pamumuhunan na kailangan nila. May mga programa naman na  pwedeng salihan ng mga drivers natin na pumapasada upang  matulungan sila sa pinansyal na paraan na makaagapay sa pagtaas  ng presyo ng langis, subalit hindi lahat ay maaaring makasama rito.  Madedehado ang mga tsuper na hindi kasama sa programa pero  nangangailangan rin ng tulong pinansyal dahil mababawasan ang  kita nila sa pang-araw-araw na pamumuhay ng kanilang mga  pamilya. Masasabi ko na hindi gaano kaepektibo ang programang  ito sa pag-alis ng hindi pagkakapantay-pantay sa sistema dahil  hanggang ngayon nakakaranas pa rin ang ating mga kababayan ng  kahirapan samantalang tuloy-tuloy pa rin ang pagyaman ng mga  mayayaman. 

11. Sustainable cities and communities 

a. Project: Regional Resettlement Program 

b. Information
Ang Regional Resettlement Program ay ang paglilipat ng mga  mamamayan ng kanilang mga tirahan dahil sila ay nakatira sa mga  mapanganib na lugar, naapektuhan ng pagpapatayo ng mga gusali  ng gobyerno, kalamidad, at mga IP groups. Binibigyan ang mga ito  ng mga tirahan at mga programa na sumusuporta sa pamayanan.  Ang mga kasama sa programang ito ay ang mga tao na nakatira sa  labas ng Kalakhang Maynila. 

c. Opinion 
Maganda sana ang programang ito kung masisiguro ng mga  namamahala na maitataguyod nila ang mga pangangailangan ng  mga taong kanilang nilipat. Naniniwala ako na kapag hindi nila  naitaguyod ang kanilang mga pangangailangan, maaari silang  bumalik sa lugar na kanilang pinagmulan kahit na mapanganib o  kaya nagtatayo na ng gusali ang pamahalaan dito. Dapat ring  masiguro na maibibigay sa mga tao sa tamang oras ang kanilang  mga tirahan para naman mapakinabangan na nila agad ito. Hindi rin  dapat pabayaan ng mga namamahala ang mga taong pinalipat nila  dahil maaaring humantong sa kaguluhan ang hindi pagbibigay  pansin sa kanila. 

12. Responsible consumption and production 

a. Batas: Philippine Green Jobs Act of 2016 

b. Information 
Ang Philippine Green Jobs Act of 2016 o R. A. 10771 ay nagbibigay  ng trabaho sa mga mamamayan natin na kung saan  napapangalagaan ng mga ito ang kalikasan at nasisiguro na balanse  at malusog ang ekolohiya ng bansa. Sa batas na ito, ang mga  manggagawa ay sinasanay sa mga trabaho na nakakapagbigay ng  mga kalakal at nagbibigay ng mga serbisyo na makakapangalaga sa  kalikasan, napapangalagaan ang mga likas-yaman para sa susunod  na henerasyon, tinitiyak ang pag-unlad ng isang bansa na  napapangalagaan ang kalikasan kasabay nito at ang pagtukoy sa pakikilahok ng mga indibidwal at negosyo sa paggawa ng mga green  jobs sa pamamagitan ng mga insentibo. 

c. Opinion 
Sa aking palagay, maganda ang batas na ito dahil nakakapagbigay  ng trabaho ito sa ating mga kababayan at kasabay nito ay  nakakatulong na rin sila na mapangalagaan ang kalikasan. Maaaring  umunlad ang ekonomiya ng ating bansa at mapanatili ang kaayusan  ng ating kapaligiran sa pamamagitan nito. Nababawasan din ng  batas na ito ang unemployment at napapabagal ang pagkasira ng  kalikasan. Sa ganitong paraan mahihikayat ang mga tao na alagaan  ang kalikasan dahil nakikita nila sa mga sarili nila ang pakinabang sa  kanila nito kasabay na rin ang pagkita ng pera. Nais ko sana na  dumami ang mga negosyo kung saan mayroong tinatawag na green  jobs para mas dumami ang mga mangangalaga sa kalikasan at  dumami rin ang magkaroon ng trabaho. 

13. Climate action 


a. Partnership: Climate and Clean Air Coalition 

b. Information 
Ang Climate and Clean Air Coalition ay ang samahan ng mga bansa  na naglalayong mapabagal ang global warming at iba pang mga  epekto ng climate change sa pamamagitan ng paggawa ng mga  solusyon na makakapagbawas sa mga short-lived climate  pollutants—ang methane, black carbon at mga hydrofluorocarbons  (HFCs)—sa hangin. Nangangailangan kasi ng malawakang  pagbabawas ng short-lived climate pollutants mula sa iba’t-ibang  mga bansa sa mundo kaya nagkaisa ang mga bansang kasapi sa  programang ito. Ang mga layunin ng koalisyon na ito ay makapagbigay ng kaalaman tungkol sa mga epe kto ng short-lived  climate pollutants ang mga paraan na makakapagpagaan sa mga  suliraning ito at mapabuti pa ang kaalaman tungkol dito,  pagpapaunlad at pagbubuo ng mga lokal at nasyonal na aksyon tungkol dito, at maipakita ang mga mabuting gawi at mga  matagumpay na pagsusumikap ng mga bansa. Ang pagsasamang  ito ay isa sa mga daan para sa mga bansa na masolusyunan ang  ang problema sa mga short-lived climate pollutants at mga epekto  nito. 

c. Opinion 
Nakakabuti na ang Pilipinas ay nakikisama sa pagkakaisa ng mga  bansa upang matapos ang climate change. Sa pagsali ng  pamahalaan sa mga ganito, makikita natin na may mga polisiya  silang ginagawa kung saan naglalayon na mabawasan ang mga  short-lived climate pollutants sa ating bansa. Kung baga, naging  dahilan ng pagiging mahigpit nila sa kalinisan ng hangin sa ating  bansa ang pagsali ng bansa sa isang samahan ng mga bansa na  naglalayong matapos na ang patuloy na pag-init ng mundo. Nais ko  lang na magpatuloy ang ganitong pakikiisa ng ating bansa at  magpatuloy ang partisipasyon nito sa mga ganitong samahan. 

14.Life below water 

a. Project: Coastal and Marine Ecosystems Management Program 

b. Information 
Ang layunin ng Coastal ang Marine Ecosystems Management  Program ay makabuo ng mga negosyo na ligtas sa biodiversity ng  ating bansa, mapangalagaan at maprotektahan ang mga coastal at  marine ecosystems, at mapag-aralan ang mga coral reef at sea  grass sa bansa. Nais ng programang ito na mapangasiwaan,  maharap, at mabawasan ang mga banta sa mga coastal at marine  ecosystems upang mapangalaan ang mga ecosystem sa bansa,  masiguro ang seguridad ng pagkain sa bansa, at mabawasan ang  epekto ng climate change para sa mga tao sa kasalukuyan at  hinaharap. Ang mga aktibidad na nasa ilalim ng programang ito ay  ang pangangasiwa sa mga dalampasigan, pakikipag-ugnayan sa  mga organisasyon at ahensya sa bansa, proteksyon, pangangasiwa, 
at pagpapatupad ng mga batas tungkol sa coastal at marine  ecosystems, ecotourism, komunikasyon at edukasyon sa mga  mamamayan tungkol dito, at pagpapahalaga ng mga serbisyong  may kaugnayan sa ecosystem ng bansa. Ang programang ito ay pinamumunuan ng Department of Environment and Natural  Resources at sinasamahan ng mga lokal na sangay nito. 

c. Opinion 
Sa aking palagay, maganda ang programang ito ng pamahalaan  dahil naaalagaan nito ang mga dalampasigan at mga yamang dagat  sa ating bansa. Nakakatulong ito sa paglinis ng ating kalikasan at  napepreserba na rin sa ganitong paraan ang ating mga likas-yaman  na matatagpuan sa mga anyong-tubig natin. Maganda kung patuloy tuloy ito na iniimplementa ng pamahalaan sa lahat ng lugra dahil  nasisiguro nito na protektado at malinis ang ating mga dalampasigan  at dagat. May iba kasing mga dalampasigan at dagat kung saan hindi  naaalagaan ng mga tao. Naniniwala ako na dapat makilahok ang  lahat ng mga taong nakatira malapit sa mga dalampasigan pati na  rin ang mga turista sa ating bansa sa pagkakaroon ng malinis at  maayos na dalampasigan. Hindi dapat sila hinahayaan na sirain ang  kalagayan ng mga ito at dapat maging responsable sila sa mga  gagawin nila dito. Samakatuwid, masasabi ko na maganda ang  programang ito at nangangailangan lang ito ng kooperasyon ng mga  mamamayan para lang maipatupad ng maayos ang programang ito. 

15. Life on land 

a. Project: Enhanced National Greening Program 

b. Information 
Ang Enhanced National Greening Program o E-NGP ay isa ring  programa mula sa pamumuno ni DENR Secretary Cimatu. Ang mga  aktibidad sa programang ito ay mabigyang rehabilitasyon ang 1.2  milyong hektarya ng mga binalewalang kagubatan sa 2020 at mapangalagaan at maprotektahan ang mga kagubatan. Ito ay base sa National Greening Program na inimplementa na noong 2011. Ang  layunin ng programang ito ay mabawasan ang kahirapan sa mga  nakatira sa mga kabundukan at kapatagan na mga mamamayan  natin, mga IP groups, at sa coastal at urban areas, maipatupad ang  pagpapanatili ng maayos na paghawak sa mga likas-yaman sa  pamamagitan ng pagtitipid sa paggamit nito, proteksyon sa mga ito,  at pagiging produktibo ng mga gumagamit nito, makapagbigay ng  pagkain, kalakal at serbisyo, magandang mga halaga sa  pagpapahusay ng kalidad ng hangin at tubig, at mapagaan ang mga  epekto ng climate change sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga  puno, pagtuturo sa mga tao tungkol dito, pagtuturo sa mga kabataan  at iba pang mga kasama sa programang ito tungkol rito sa  pamamagitan npagbibigay ng responsibilidad para dito, at mapag isa ang lahat ng aksyong ginagawa ng pamahalaan pribadong  sektor, at mga mamamayan sa pangangalaga sa kalikasan. 

c. Opinion 
Naniniwala ako na maganda ang programang ito dahil  napoproteksyunan nito ang mga kagubatan sa ating bansa.  Masasabi ko na napoproteksyunan nito ang mga kagubatan sa ating  bansa at naaalagaan rin ang mga ito. Masasabi ko rin na ang  prgramang ito ay inuugnay rin sa iba pang mga suliranin na maaaring  masolusyunan sa pamamagitan ng partisipasyon sa programang ito.  Maganda ang programang ito kapag naipagtupad talaga nang  maayos kahit na may maaaring sumalungat sa mga layunin nito na  makakapagpaunlad sa ating bansa. Dapat ang mga namamahala  rito ay may paninindigang ipaglaban ang mga kagubatan natin. Nais  ko lang na patuloy-tuloy sana ito iimplementa ng pamahalaan at hindi  nila hayaan na may mga kagubatan na masira para lang tumaas ang  ekonomiya ng bansa. Naniniwala ako na kapag nagkaisa ang lahat  sa programang ito, mapoprotektahan natin ang ating mga  kagubatan. 

16. Peace, justice and strong institutions

a. Project: Payapa at Masagnang Payamana Program 

b. Information 
Ang Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Program ay ang programa ng pamahalaa na sumusuporta sa pagkakaroon ng  kapayapaan sa mga lugar kung saan naapektuhan o maaaring  magkaroon ng hidwaan. Ang layunin ng programang ito ay maharap  ang mga isyu ng kawalan ng katarungan at mapabuti ang ang  pagtanggap ng mga mamamayan ng sosyo-ekonomiko na  pakikipag-ugnayan, mapabuti ang pamamahala sa pamamagitan ng  pagiging sensitibo ng mga ahensya ng pamahalaan at lokal na  pamahalaan sa karapatang pantao, at mapalakas ang kapasidad ng  mga pamayanan na harapin ang mga isyu sa mga hidwaan at  kapayapaan. Ang mga bumubuo sa programang ito ay ang  pagbabago sa polisiya at pamamahala ng pamahalaan patungkol sa  kawalang katarungan na konektado sa mga likas yaman, seguridad  ng lupa, pagkakakilanlan, at karapatang pantao, kakayahang  makabuo ng mga interbensyon na nagpapalakas sa mga ahensya  ng pamahalaan at mga pamayanan, at ang pagpapaunlad ng  kapayapaan sa pamamagitan ng sosyo-ekonomikong interbensyon.  Ang mga lugar na parte ng programang ito ay ang Cordillera  Administrative Region, Bicol-Quezon-Mindoro, Negros-Panay,  Samar Island, Zamboanga-Basilan-Sulu-Tawi-Tawi, Central  Mindanao, at Davao-Compostela Valley-CARAGA. Kasama sa  programang ito ang lahat ng ahensya ng pamahalaan pati na rin ang  lokal na pamahalaan ng mga lugar na nabanggit. 

c. Opinion 
Nais ko sana sa programang ito ay magpatuloy ang kapayapaan sa  mga lugar kung saan ginagawa ang programang ito dahil naniniwala  ako na maganda naman ang programang ito ng pamahalaan.  Masasabi ko na nagbibigay-daan ito sa kapayapaan ng mga lugar  sa atin at nabibigay rin nito ang mga serbisyo na kinakailangan ng  mga mamamayan upang mabuhay nang mapayapa. Nakakatulong  ang ganitong programa ng pamahalaan dahil ang ilan sa mga  hidwaang nagaganap sa ating bansa ay bunga ng hindi pagbibigay 
atensyon ng pamahalaan sa hinaing ng mga mamamayan. Ngunit  nakakabahala lang na kahit may ganitong programa na ang  pamahalaan, tuloy pa rin ang ilan sa mga operasyon ng mga militar kung saan hinuhuli ang ating mga kababayan sa mga bundok. Naniniwala ako na hindi basta-bastang dapat hinuhuli ang iba sa  ating mga mamamayan dahil maaaring inosente naman ang mga ito  at matapakan ang karapatang pantao nila. Samakatuwid, masasabi  ko na maganda ang programang ito pero dapat patuloy-tuloy ito  ginagawa para sa pagkamit ng kapayapaan sa ating bansa.

17.Partnerships for the goals 

a. Partnership: Global Partnership for Sustainable Development Data

b. Information 
Ang Global Partnership for Sustainable Development Data ay ang  pagkakasundo ng 150 na mga organisasyon, kompanya, institusyon,  at mga bansa na naglalayong makakuha ng mga datos para sa sustainable development. Ang pagkakasundo ng mga bansa ang  nagiging daan upang magkasundo, magkaugnay, bumuo ng tiwala,  at magsama sa isang proyekto upang matukoy ang mga  impormasyon na hindi pa natutukoy at masiguro na ang mga datos  ay magagamit ng lahat upang matapos ang kahirapan, mapabagal  ang mga epekto ng climate change, at masolusyunan ang iba pang  mga suliraning kinakaharap ng mga bansa sa 2030. Sa ngayon,  sinusuportahan nito ang mga programa sa Pilipinas na maaaring  makapagbigay ng datos at upang matukoy kung ano ang mga  kailangang gawin upang mapaunlad ang mga ito at madagdagan  ang mga datos tungkol dito. 

c. Opinion 
Sa aking palagay, ang pakikipagtulungan ng pamahalaan sa  pagkamit ng 17 SDGs at paghahanap ng mga datos para sa iba ay  nakakatulong sa pag-unlad ng ating bansa at pakikipagtulungan na  rin sa ibang tao. Naniniwala ako na kapag suliraning panlipunan na  ang pinag-uusapan, hindi kaya ng isang bansa na siya lang ang  magtaguyod para sa kaniyang sarili kaya naman kailangan nito na  makipag-ugnayan sa iba pang mga bansa o mga organisasyon at  institusyon para lang magawa ang mga layunin nito. Ang mga  impormasyon na makukuha rito ay maaaring magamit upang  malaman kung ano pa ba ang mga kailangang paunlarin sa ating  bansa upang maitaguyod ang pangangailangan ng mga  mamamayan. Maaari rin ito maging basehan ng ibang bansa upang  matukoy kung paano nila sosolusyunan ang suliraning kinahaharap  nila ngayon na kapareho sa sitwasyon natin. Masasabi ko rin na sabay-sabay uunlad ang lahat ng bansa kapag nakipagpalitan ang  mga ito ng datos at kalakal na maaaring makatulong sa isa’t.  Samakatuwid, masasabi ko na dapat lang na ipagpatuloy ng  gobyerno natin na makipag-ugnayan sa ibang bansa para sa  ikakaunlad natin, ngunit hindi dapat humantong sa punto na iaasa  na lang sa ibang bansa lahat ng mga pangangailangan natin.


Comments