Performance Task #3

Summary Paper ng Globalization 

Ang globalisasyon ay ang pagkakaroon ng interaksyon at koneksyon sa pagitan ng mga  bansa sa buong mundo at sabay-sabay na pag-unlad ng mga ito. Dito nagkakaroon ng  pagkakataon ang mga bansa na makipagpalitan ang kanilang mga tao, negosyo, o kaya mga  pinuno ng kanilang mga kalakal, kultura, ideya, at teknolohiya. Dito rin naibabahagi ng mga bansa  ang kanilang mga lugar para sa turismo, edukasyon, trabaho, o kaya tirahan para sa mga  mamamayan anuman ang lahi nito. Ito rin ang nagbibigay daan para sa mga bansa na  magkasundo sa isang proyekto na makakatulong sa pag-unlad ng bawat isa. Malayang  naibabahagi ng mga bansa ang kanilang mga produkto at serbisyo sa buong mundo at  napapakinabangan din nila ang mga produkto at serbisyo na ibinabahagi sa kanila ng iba pang  mga bansa. 

May mga salik na maaaring makaapekto sa pag-usbong ng globalisasyon. Una, ang  pagkakaroon ng mga pandaigdigang pamilihan. Ang mga bansa ay itinitinda ang kanilang mga  kalakal na karaniwang sa kanila lang matatagpuan, at ang iba’t-ibang mga bansa ay bumibili dito  ng mga kalakal na mapapakinabangan nila sa kanilang mga proyekto at industriya. Pangalawa,  ang paglago ng pandaigdigang transaksyon sa pananalapi. Sa paraang ito, ang mga bansa ay  mag pagkakataon na makipagpalitan ng mga salapi na maaaring makatulong sa pagtukoy ng  estado ng ekonomiya ng isang bansa. Pangatlo, ang pagdami ng foreign direct investments sa  iba’t-ibang bansa. Ang mga kumpanya mula sa isang bansa ay nagtatayo ng mga negosyo sa  iba pang bansa, at mas napapalawak nito ang mga mamimili ng kanilang mga produkto at  napapaunlad nito ang ekonomiya ng bansang pinagtayuan nila ng negosyo sa pamamagitan ng  pagbayad ng buwis. Pang-apat ang paglawak ng kalakalan ng mga trans-national corporations  (TNC). Ang mga malalaking kumpanya mula sa isang bansa ay naghahawak ng mga negosyo na  matatagpuan sa higit isa pang mga bansa. Masasabi din natin na ang mga kalakal o serbisyo na  ipinagbebenta dito ay nagmula pa sa ibang bansa o kaya mayroon silang mga sariling pabrika sa  mga bansang pinagtayuan nila ng negosyo. Panglima, ang pag-unlad ng mga makabagong  komunikasyon at transportasyon. Ang mga tao ay nakakapag-usap na sa kanilang mga kakilalang  malayo sa kanila at nakakakilala din ng mga tao mula sa ibang lugar o kaya sa ibang bansa, at  dito din nila nalalaman ang mga kaganapan sa kanilang bansa at sa buong mundo sa  pamamagitan mga makabagong uri ng komunikasyon. Sa pamamagitan naman ng mga  transportasyong nabuo, ang mga tao ay may kakayahan nang pumunta sa ibang lugar o bansa  upang mamasyal, makapag-aral, makapag-trabaho, manirahan, o kaya bumisita ng mga kakilala. 

Panghuli, ang paglaganap ng mga makabagong ideya at teknolohiya. Dito, ang mga nabubuong  mga kagamitan at ideya mula sa isang bansa ay naibabahagi sa lahat ng mga bansa sa mundo,  at napapakinabangan ito ng lahat. Ang mga aspeto ng globalisasyon ay komunikasyon, paglalakbay, ekonomiya, kultura, at  politika. Sa aspetong komunikasyon, ang mga kagamitang tulad ng kompyuter, selpon,  telebisyon, at radyo ay naipalaganap sa buong mundo. Kinalaunan, nabuo na rin ang internet,  social media sites, at mga news networks na naibahagi rin sa buong mundo at napapakinabangan  na ngayon ng halos lahat ng mga tao. Dahil sa globalisasyon, ang mga kultura ng mga bansa ay  naibahagi din sa buong mundo. Nakilala ang mga uri ng musika tulad ng Korean Pop (K-pop)  Music, Original Filipino Music (OPM), at Latin Music, mga palabas at pelikula tulad ng mga Korean  dramas (K-dramas), American sitcoms, at Japanese Animation (Anime), at ang mga kasuotan tulad ng tuxedos, kimono, at barong. Sa paglalakbay naman, ang mga tao ay nabigyang  pagkakataon na makapagtrabaho para sa mga kumpanya sa ibang bansa. Maaaring pinapapunta  sa ibang bansa upang magtrabaho ang mga manggagawa o ang tinatawag na mga overseas  Filipino workers (OFW), o kaya nananatili dito sa bansa ang manggagawa pero ang kanilang mga  pinagtatrabahuan ay mga dayuhan o ang tinatawag na online-based at home-based jobs. Sa  kabila ng magagandang opportunidad na nabanggit, ang ibang mga sakit na mula sa ibang bansa  ay nakukuha sa pamamagitan ng paglalakbay tulad ng AIDS at COVID-19 at may mga organisadong krimeng transnasyonal tulad ng human trafficking, terorismo, at drug trafficking na  tuloy pa rin ang operasyon dahil maaari silang lumakbay sa ibang bansa para maipagpatuloy ang kanilang mga krimen. Sa aspetong ekonomiya naman, makikita natin ang pagkakasundo ng mga  bansa para sabay-sabay na tumaas ang ekonomiya at magkaroon ng pagkakataon na  makipagpalitan ng mga kalakal. Nabuo ang mga multinational companies at mga business  process outsourcing (BPO) companies sa iba’t-ibang bansa na naglalayong mabigyang trabaho  ang mga mamamayan sa isang bansa at mapalawak at mapatakbo nang maayos ang kumpanya.  Nabuo rin ang World Trade Organization at World Bank na naglalayong mapaayos ang takbo ng  pakikipagkalakalan ng mga bansa at masiguro na maayos ang takbo ng ekonomiya ng mga ito.  Dahil ang mga bansa ay naging bukas para sa pakikipagkalakalan, ang iba sa kanila ay mayroong  free trade agreements na naglalayong hayaang makapasok ang mga produkto mula sa mga  bansang kasama sa kasunduan. Nakatulong ito sa pagpapaayos ng takbo ng ekonomiya ng mga  bansang napapaloob dito, ngunit maaari itong makapagdulot ng pagsasara ng ilang mga negosyo  dahil sa pagkalugi. Panghuli, mapapansin din natin ang globalisasyon sa aspetong politikal. Ang  mga bansa ay nagkakasundo sa kanilang pag-unlad ng ekonomiya at pagresolba sa mga  suliraning kinahaharap nila kaya nabuo ang mga samahang tulad ng United Nations (UN) at  Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ang mga isyung kinahaharap naman ng 2 o  higit pang mga bansa sa isa’t-isa o kaya ang mga krimeng pinapatakbo sa buong mundo ay  nareresolba naman sa International Criminal Court. Ang mga nabanggit na aspeto ang  nagpapatunay na ang globalisasyon ang nagpapatakbo sa ating mundo. 

Ang globalisasyon ay mayroong mga positibong epekto sa mga bansa. Ang mga bansa  ay nagkakaisa at umunlad ang kalakalan ng mga ito. Nagkaroon din ng mga pandaigdigang pamilihan na nakatulong sa paglago ng pandaigdigang transaksyon sa pananalapi at paglaki ng pamumuhunan ng mga dayuhang mangangalakal. Napapatatag ang demokrasya ng mga  komunistang bansa gawa nito. Kapag may mga bansang nasalanta ng kalamidad, ang iba pang  mga bansa ay nagkakasundo at nagbibigay ng mga donasyon at tulong sa kanila. Ang mga  teknolohiya at kaalaman sa transportasyon, komunikasyon, at agham ay natutuklasan din ng  lahat ng mga bansa, pati na rin ang mga gamot sa mga sakit ay naipapamahagi na rin. Ang mga  mamamayan ay nabibigyang oportunidad na makapagtrabaho o makapag-aral sa ibang bansa. 

Higit sa lahat, umuusbong ang mga korporasyong multinasyonal at pandaigdigang institusyon na  nakatulong sa pagsabay ng lahat sa takbo ng globalisasyon. Subalit, ito rin ay may mga  negatibong epekto sa mga bansa na maaaring dulot ng pag-aabuso sa mga positibong epekto  nito. Maaaring tumaas ang kahitapan sa bansa dahil sa pagdami ng mga taong nawawalan ng  trabaho, pagbaba ng halaga ng sahod, at pagkalugi ng mga lokal na negosyo. Maaari ring  bumaba ang kapital ng mga lokal na industriya at humigpit sa patakaran sa paggawa upang  mapatakbo lang nang maayos ang negosyo. Ang mga bansa ay nagkakaroon ng brain drain dahil  ang mga propesyonal na mamamayan nito ay pinipili na lang na maglingkod sa ibang bansa dahil  tingin nila ay mas maayos ang magiging buhay nila at ng kanilang pamilya kaysa manatili sa  bansang pinagmulan. Maaari ring tumaas ang dependency rate ng isang bansa sa bansang may  koneksyon ito na maaaring madamay sakali mang magkaroon ng problema ito at magkaroon ng  mga problema sa ibang mga bansa na maaaring makaapekto sa ekonomiya kapag nagkataon.  May mga pagkakataon naman na bumuo ng mga biological weapons ang isang bansa upang  mapabagsak ang ekonomiya ng mga bansang kinakalaban nito na maaaring makapagdulot ng  pagpasok at pagkalat ng mga sakit at magdulot pa ng epidemiya o pandemiya. Sa pagtatayo  naman ng mga proyekto at negosyo na may kinalaman ang mga dayuhan, maaaring may mga  lugar na gamitin na kung saang mayroong mga katutubong naninirahan. Maaaring mapalayas  ang mga katutubo sa kanilang mga tirahan sa pamamagitan ng pag-aaresto sa kanila o kaya ang  pagsira sa kalikasang kanilang tinitirhan. Maaari rin namang masira ang kalikasan sa  pamamagitan ng pagtatayo ng mga pabrika o gusali ng mga dayuhan na kung saan maaaring  magkaroon ng negatibong epekto sa yamang tubig o lupa ng bansa. Pinakahuli, ang pagkakaroon  ng mga private army na kung saan maaaring kalabanin ang mga militar ng estado o kaya gamitin  ang mga ito upang sakupin ang isang bansa.  

Upang makasabay sa takbo ng globalisasyon, ang pamahalaan ay may binuong malinaw  at matatag na patakaran para maging maayos ang mga lokal at dayuhang industriya at negosyo.  Sinisiguro dito na maayos ang mga patakaran tungkol sa labor relations upang maging pantay pantay ang trato sa mga manggagawa at pag-aari ng lupa na pagtatayuan ng mga industriya at  negosyo upang hindi negatibong maapektuhan ang mga mamamayan at teritoryo ng bansa. Sinisiguro rin ng pamahalaan na maayos ang sistema ng palitan ng mga salaping lokal at dayuhan at matatag ang ekonomiya ng bansa upang maakit ang mga negosyante na mamuhunan dito sa  bansa. Binibigyang prayoridad ng pamahalaan ang mga produkto mula sa ating bansa upang  hindi malugi ang mga ito sa mga imported na produkto. Tinitiyak ng gobyerno na sapat ang  kaalaman at kasanayan ng mga tao sa industriyang papasukan nito at mayroong sapat na mga  imprastruktura at kagamitan sa transportasyon at komunikasyon para makarating ang mga  produkto at serbisyo sa lahat ng panig ng bansa. Ang mga produkto at serbisyo mula sa ating bansa ay tinitiyak na mataas ang kalidad upang makasabay ito sa kompetisyon sa pandaigdigang  pamilihan. 

May mga programa at patakaran ang mga gobyerno ng bawat bansa upang maipalaganap  ang globalisasyon sa bansa. Ang mga pribadong sektor ay nakikipagtulungan sa mga  pampublikong sektor sa pagtutupad ng mga proyekto para sa pag-unlad ng agrikultura, turismo,  at industriya. Naglalaan ang gobyerno ng malaking bahagi ng badyet para sa serbisyong  panlipunan at pang-ekonomiya upang mapabilis, mapalawak, at gawing tuloy-tuloy ang  pagpapalawak ng ating bansa. Ang ilang mga korporasyong hawak ng pamahalaan ay  ginagawang pribado o privatization upang makatipid ang gobyerno sa paggastos ng pondo ng  bayan at mapaganda ang serbisyo ng mga korporasyong ito. Mayroong mga ilang patakarang  liberalisasyon na kung saan pinapaluwag ang ilang mga restriksyon sa systemang pang ekonomiya at deregulasyon o ang hindi paghawak ng gobyerno sa ilang mga industriya upang  maakit ang mga dayuhan na magtayo ng kanilang mga industriya dito sa bansa. Higit sa lahat,  ang ating bansa ay pinapabuti ang relasyon at pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang bansa upang  makasabay sa takbo ng globalisasyon. 

Samakatuwid, ang globalisasyon ay importante sa pag-unlad ng mga bansa. Kailangan  ng mga bansa na magkaisa at makipagpalitan ng mga ideya upang maitaguyod ng isa’t-isa kung  ano ang wala sa kanila at sabay-sabay silang umunlad sa paglipas ng panahon. Malaki ang  pinagbago ng mundo noong nagsimulang gawin ito, at dahil maaaring mapabago pa nito ang  ating mundo sa mga susunod na panahon ay hindi dapat natin ito abusuhin para sa ikakaunlad  ng susunod na henerasyon.

Comments