Ang Aking Karanasan patungkol sa Diskriminasyon
Sa iba’t-ibang punto ng aking buhay, ako ay nakaranas na ng diskriminasyon dahil sa iba’t-ibang kadahilanan. Nakaranas na ako dahil sa aking kulay, na kung saan sinasabi ng aking mga kamag-anak na umitim raw ako simula noong nag-aaral na ako sa Binangonan samantalang sila ay mapuputi pa rin hanggang ngayon palibhasa sila ay mga nakatira at naghahanapbuhay sa Pasig. Inaasar rin ako ng aking mga kaibigan at kaklase mula sa dati kong paaralan hanggang dito sa pinag-aaralan ko ngayon dahil maliit daw ako para sa kanila. Ngunit ang karanasan ko sa diskriminasyon na hinding hindi ko makakalimutan ay ang karanasan ko noong ako’y nasa ikalimang baitang, na kung saan nataon ding kaarawan ng aking ina.
Malapit na matapos ang school year noong mga panahong iyon, at nabanggit na rin ang mga estudyanteng nagkaroon ng karangalan para sa taong iyon. First time kong maging first honor, pero gawa ito ng aking interes sa mga pinag-aaralan ko, sa sipag na inilaan ko para sa pag-aaral, pati na rin ang mga extracurricular activities na sinalihan ko tulad ng journalism. Maganda na sana ang lahat, kaso naalala ko na yung nanay ng dating first honor sa klase namin ay pinepressure siya, at hindi niya agad sinabi ang kanyang naging ranggo noong weekend (Friday kasi inannounce nun). Sinabi na niya yung rank niya sa mama niya noong Lunes nun, at naging maganda naman ang araw namin na iyon na magkasama. Kinabukasan, nalaman ng mga katrabaho ng aking ina na may pinost pala yung nanay niya sa Facebook. Kung baga nakalagay roon sa post na nagkaroon daw ng cooking show sa rankings ng anak niya, at hindi ko daw deserve na maging first honor kasi raw anak lang ako ng empleyado sa eskwelahang iyon. Kung baga parang sinasabi niya na hindi deserve ng mga tulad ko na anak ng teacher o empleyado na magkaroon ng mataas sa rank sa school, kasi may koneksyon ako sa mga namamahala ng eskwelahang iyon. Sa totoo lang, nainis ako nun. Oo sige kilala ako ng mga namamahala roon, pero bakit kailangan namang idisregard yung efforts na ginawa ko noong taong iyon dahil lang anak ako ng empleyado dun? Gawa nun, umiiyak lang ako sa inis buong gabi mula sa school bago umuwi hanggang sa Robinsons na malapit doon sa may Sta. Lucia na mall sa Cainta. Kinabukasan, naiinis ako sa anak nun, pero hindi ko na lang hinayaan na madala ako ng inis kasi anak lang naman iyon at hindi siya yung nanakit ng aking damdamin. Noong mga sumunod na araw, nakwento ko sa kanya ang nangyari, at kinausap naman daw niya yung mama niya. Kinalaunan, pumunta yung mama niya sa eskwelahan namin para lang malaman bakit ganun yung nangyari. Ayos na sana yung kaso mukhang gusto pa niyang picturan yung records ng grades namin eh confidential yun. Pero pagkatapos naman nun, ay nagkasundo naman na ang dalawang panig. Noong kwinento ni Nanay nun nakita ko yung kapal ng mukha niya na idisregard yung rules ng school regarding sa paglalabas ng grades para lang makasira siya ng image ng isang institution. Gawa naman nung pag-uusap nila ay naging maayos na ang sitwasyon namin, pero halata mo pa rin sa kanya na masama pa rin ang loob niya kasi nalamangan ko anak niya. Natatawa pa nga ako, magpapacater daw dapat siya sa section namin kung first honor daw ulit anak niya. Eh bakit parang walang catering na naganap sa loob ng apat na taon na pagiging first honor ng anak nya? Sa kasalukuyan, nakamove on naman na kaming lahat roon, pero napansin naming lahat na ironic lang ng sitwasyon ng anak niya ngayong high school na kami kasi nasa science high school naman na rin siya pero andami niyang mga koneksyon roon. Sana naman naging maingat yung nanay niya noong nagpost siya kasi she’ll never know baka yung anak naman na niya yung nasa sitwasyon na may mga kakilala o koneksyon sa pinag-aaralan niya. Ayoko na lang gumanti, kasi pantay naman tayo sa mata ng Panginoon at sadyang palakasan ang sistema sa paaralang iyon kaya naman hahayaan ko na lang sila roon.
Alam kong may mga kasunduang nagpaayos ng sitwasyon pagkatapos nun, pero ipinaparamdam pa rin sa akin ng presensya ng nanay na iyon na hindi ako karapat-dapat na magkaroon ng mataas na karangalan. Noong ako’y nasa ikaanim na baitang na, ginawa ko ang lahat ng aking makakaya sa pamamagitan ng pag-aaral ng mas maigi at pagsali sa mga extracurricular activities para lang na mapatunayan na ako’y may tunay na mga kakayahan at hindi lamang isang anak ng empleyado na kung saan umaasa sa mga koneksyon para lang magkaroon ng mga tagumpay sa buhay. Kinalaunan, natutunan ko na rin na magparaya ng sama ng loob. Hinayaan ko na lang ang inang iyon na iparamdam ang diskriminasyon sa akin, ngunit hindi ko hinayaan ang aking sarili na magpaapekto sa kanya muli. Ipinagpapatuloy ko na lang ang mga pinagkakaabalahan ko noong mga panahong iyon, ang pagsali sa mga school press conferences hanggang regional level at paghahanap ng paglilipatang science high school para lamang makalimutan ko ang alaalang iyon (na hindi ko rin nakalimutan dahil may namamagitan din naman sa amin ng kanyang anak noon). Limang taon na rin mula noong nangyari iyon, at para sa akin ang karanasang ito ay nakatulong sa akin na mapabuti ang aking pag-aaral dito sa RiSci kahit na nahihirapan ako sa ilang mga asignatura.
Para sa mga nakakaranas ng diskriminasyon hanggang ngayon, ayos lang kung makaramdam ka muna ng lungkot, galit, inis, o kahit anong emosyon na naramdaman mo matapos kang diskriminahin, dahil normal lang naman sa mga tao na magkaroon ng emosyon kapag may sinasabi ang ibang tao tungkol sa iyo. Ang importante, wag kang gagawa ng mga aksyon na ikakasakit ng iyong kapwa at/o ng mga taong dinidiskrimina ka. Hayaan mo na muna na ang panahon ang tumulong sa iyo na humilom mula sa mga sakit na binigay ng diskriminasyon sa iyo at makalimot sa mga nangyari noong nakaraan. Nakakatulong din kasabay ng iyong paghilom ay ang pagpapatuloy ng iyong buhay, dahil nakakatulong ito para makalimutan ang mga suliranin at diskriminasyong hinaharap mo ngayon. Isa pang dahilan nito ay hindi naman basta-basta natitigil ang pagdaloy ng iyong mga responsibilidad dahil lang sa mga sagabal sa iyong buhay. Oo, maaari ka namang magpahinga pero kapag tingin mong handa ka na ay ipagpatuloy mo na ang iyong buhay. Huwag mo ring kakalimutan na may mga taong nagmamahal at sumusuporta sa iyo, tulad ng iyong pamilya, mga kaibigan, at iba pang mga taong nagmamahal sa iyo. Lahat naman tayo pantay-pantay sa mundo, maliban pa sa lahat tayo ay pantay sa mata ng Panginoon ay pare-pareho rin naman tayong nagmula sa sinapupunan at matatapos ang buhay sa mundo sa hukay.
Para sa mga nangdidiskrimina ng kapwa, sana itigil mo na iyan dahil nakakaapekto ang iyong mga pahayag sa taong binibigyan mo ng diskriminasyon. Maaaring maapektuhan ang estado ng kanyang emosyonal at mental na kalusugan na kung saan may epekto rin sa pisikal na pangangatawan ng taong iyon. Maaari din itong makaapekto sa relasyon ninyo ng taong dinidiskrimina mo, at sa mga taong nasa paligid ninyo. Hindi mo rin naman ikakaunlad ang pagdidiskrimina sa ibang tao. Oo, maaaring may mapapansin kang kakaiba sa ibang tao na hindi mo makikita sa iyong sarili, pero kung alam mo naman na hindi niya mababago yun ay wag ka na gumawa ng kahit anong reaksyon na maaaring maghantong sa diskriminasyon. Kung baga gawin natin ang 10- second rule kapag may napansin ka sa isang tao. Kapag ‘di niya maiayos ang isang bagay na napansin mo sa loob ng 10 segundo, wag ka na magbigay ng kahit anong mga pahayag. Karagdagan, wag ka na rin sana mag-stereotype ng mga tao. Hindi naman palibhasa ang isang tao ay may ganitong trabaho o estado sa buhay ay katulad na siya ng ibang mga tao na kapareho niya. Kung baga, lahat ng tao ay iba-iba, parang ikaw at ako. Wala ka nang magagawa kung ginawa tayo ng Panginoon na iba sa isa’t isa, ang importante ay pantay tayo sa mga mata niya at sana ganun ka rin sa iyong kapwa.
Comments
Post a Comment