Reaction Paper #2

 Isyung Terorismo sa Pilipinas 

Noon pa man, nakakaranas na ng terorismo ang ating bansa, at ang ilan rito ay  naging parte na ng ating kasaysayan. Noong 1969, ang New People’s Army (NPA) ay  binuo upang pabagsakin ang gobyerno sa pamamagitan ng batas at hanggang ngayon  ay patuloy ang kanilang mga operasyon sa mga kabundukan. Ang mga pag-atake ng  NPA ay nagsimula noong panahon ng pamumuno ni Marcos noong dekada ’70. Noong  2017, nagkaroon ng gera sa Marawi na kung saan sinimulan ng Abu Sayyaf Group at ng  Maute Group ang pag-atake sa mga militar. Noong nakaraang taon, nagkaroon rin ng  pagbomba sa may Jolo na sinasabing sinimulan rin raw ng Abu Sayyaf. Ngayong taon,  naibalita na ang nagkaroon ng pag-atake ang NPA sa may Surigao del Norte. Marami  pang mga pag-atake ng mga terorista na naganap at nagaganap sa ating bansa, at may  ilang mga bansa na nagbababala sa kanilang mga mamamayan tungkol dito, Masasabi  ko rin na sa paglipas ng panahon, nakikita ang katatagan ng mga Pilipino sa pagharap  sa mga teroristang nais na sakupin ang teritoryo, palaganapin ang kultura at relihiyon sa  pamamagitan ng mga batas, at mga nais lamang makuha ang mga karapatan nila bilang  tao. Pero sa kabila ng mga ito, naniniwala ako na mahalaga pa rin na may mga batas o kaya patakaran na naglalayong maprotektahan ang mga mamamayan sa banta ng  terorismo. 

Naisabatas ang Anti-Terrorism Act of 2020 o ang Republic Act No. 11479 kasabay  ng COVID-19 pandemic. Base sa batas na ito, maaari kang maituring na terorista kapag  ikaw ay sangkot sa pagkamatay o pagkaranas ng kapahamakan ng isang tao, pagkasira ng mga ari-arian ng gobyerno at publiko, pagbuo ng mga sandata na maaaring  makapahamak sa mga tao at sa mga namumuno, pagpaplano at pag-iimpluwensya na  gumawa ng mga bagay na maaaring humantong sa terorismo, pagsali sa mga terrorist  organizations na nasa listahan ng pamahalaan at/o ng United Nations, o ang  pagkasangkot sa kahit anong gawaing pangterorismo. Maganda naman ang layunin ng  batas na ito—ang masolusyunan ng problema sa terorismo ng ating bansa. Naging usap-usapan ito sa social media kasabay ng pandemiya na dinaranasan natin hanggang  ngayon. May iba na sang-ayon dahil matatapos na ang banta ng terorismo, ngunit may  iba na kumokontra rito dahil maaaring basta-basta na lang magdampot ng mga tao ang  mga nagpapatupad ng batas dahil sinasabi nila na terorista ito kahit hindi naman. Sinasabi rin ng mga kontra dito na maaaring lumabag ito sa karapatang pang-tao ng mga  pinaghihinalaang terorista lalo na ang mga kritiko ng gobyerno at ang mga minorities na  nakatira sa bundok o mga pinaniniwalaang mga terorista talaga. Sa ngayon, mayroong  mga nagaganap na mga oral arguments sa Supreme Court (SC) upang mapag-usapan  ang pagbabasura o kaya ang pagrerevise ng batas na ito. 

Sa aking palagay, may iba’t-ibang rason kung bakit nagaganap ang terorismo at  kahit anuman ito ay nakakabahala pa rin ito. Maaaring maipahiwatig ng mga rason na ito  ang kakulangan sa pagsustento ng gobyerno sa mga pangangailangan ng mga mamamayan, ang kasakiman ng mga grupo na makuha ang mga gusto nila sa isang  lugar, o kaya ang kagustuhan ng mga grupo na maipalaganap ang kanilang kultura at  relihiyon sa dahas na pamamaraan. Kailangang alamin natin ang mga rason na ito, para  maibigay ang tamang aksyon para rito. Naniniwala ako na may ilan sa mga solusyon para  rito ay ang mapayapang pakikipag-usap ng gobyerno at mga grupong ito para magkaroon  ng pagkaunawaan. Ngunit may ilang mga grupo na hindi madadaan sa masinsinang  pakiusapan, kaya naman hangga’t maaari ay ihanda ng pamahalaan ang mga sundalo  at iba pang parte ng sandatahang lakas ng ating bansa. 

Tungkol naman sa R.A. 11479, masasabi ko na maaaring makatulong ito sa  pagreresolba ng isyung terorismo sa ating bansa, pero naniniwala ako na may mga ‘di magandang kinahihinatnan ang batas na ito sa ilan sa ating mga kababayan. Oo, sige  ang totoong layunin ng batas na ito ay maitigil ang terorismo, ngunit masisigurado bang  hindi maaabuso ang batas na ito? Alam naman natin na sa lipunan natin ay uso ang red  tagging at stereotyping. Mahilig mag-red tag ang mga matatanda o kahit ang ilan sa mga  nagpapatupad ng batas o ang mga nasa pamahalaan na mismo, dahil naniniwala ang  mga ito na mga kalaban ang mga kritiko ng estado at hindi dapat ganito ang mga  mamamayan. Ang mga karaniwang na nakakaranas ng red tagging ay ang mga  estudyante mula sa mga state universities tulad ng University of the Philippines (UP) at  Polytechnic University of the Philippines (PUP). Sinasabi nila na maraming mga kasapi  ng NPA ang narerecruit sa mga unibersidad na ito dahil kilala ang mga ito na may mga  estudyante na hindi pabor sa pamamalakad ng pamahalaan. Para sa akin, hindi  nakakatulong ang ganitong sitwasyon, sapagkat ang magiging tingin ng mga  nagpapatupad ng batas sa mga kritiko ay mga banta sa estado dahil hindi sang-ayon ang mga ito sa pamamalakad sa bansa. Kung baga, maaaring abusuhin ang kapangyarihan  sa pamamagitan ng paghuli sa mga inosenteng mamamayan palibhasa hindi sila sang ayon sa pamahalaan. Sa usaping stereotyping naman, may mga minorities tayo na kung  saan ginugrupo agad ng ibang mga tao na mga terorista. May mga indigenous groups na  biglang hinuhuli dahil sinasabi na sila ay mga nagmula sa rebeldeng grupo. Sinasabi ng  mga awtoridad na sila ay mga rebeldeng may sandata na mga namundok na  nagpapanggap bilang mga katutubo. Isa sa mga halimbawa ng ganitong sitwasyon ay  ang nararanasan ng mga kapatid natin na Lumad. Hinuhuli ng mga sundalo ang mga  Lumad dahil sinasabi na sila ay parte ng NPA, at sila ay mga rebelde. Ipinagkakait ang  mga ito ng mga karapatang makapag-aral, makapamuhay nang mapayapa, at  magkaroon ng mga kagamitan sa araw-araw na pamumuhay. May mga relihiyon naman  na kung saan sinasabi na nagmumula ang terorismo dahil sa kagustuhan na  maipalaganap ito. Tumatak na sa isip ng ibang mga tao ang mga balitang nakikita nila  tungkol sa ilang mga terorista, na kung saan sinasabi rito na ang layunin ng mga ito ay  maipalaganap ang isang relihiyon. Isang halimbawa nito ay ang sitwasyon ng mga  kapatid natin na Muslim. Sa ating bansa, ang Abu Sayyaf Group ay naglalayon na  kalabanin ang mga Kristyanong Pilipino at paligiran ng mga kapwa Muslim ang kanilang  lokasyon. Nag-iba ang tingin ng ibang mga tao sa mga Muslim gawa nito, at dito nabuo  ang stereotype na ang mga Muslim ay terorista. Parehong nakakabahala ang mga  sitwasyong ito, dahil maaaring humantong sa pagkakaaresto bilang mga terorista ang  mga taong dinidiskrimina dahil sa mga politikal na pananaw nila o kaya sa kanilang  pinagmulan at kultura. Karagdagan, nakalahad sa R.A. 11479 na wala nang bayad para  sa mga taong inosente na hinuli ng mga awtoridad gawa ng terorismo. Hindi ito makatarungan para sa mga tao na napagkait ng pagkakataon na makapamuhay nang  mapayapa at nawalan ng dignidad gawa ng pagkakaaresto sa kanila. Kung baga,  masasabi natin na hindi magiging patas ang pagapatupad ng batas na ito sa pagresolba  sa isyu ng terorismo sa ating bansa at maaari pang magdulot ng iba pang mga suliranin. 

Masasabi ko rin na maayos lang naman kung gagawa ng mga solusyon ang  pamahalaan upang labanan ang terorismo, pero sa paggawa ng mga solusyon na ito ay  dapat maiayos din ang justice system natin pati na rin ang mindset o ang pag-iisip ng  mga nagpapatupad ng batas. Sa sistema ng ating lipunan ngayon, hindi mo masasabi na  hindi maaabuso ang batas na ito, lalo na ang ilan sa mga nagpapatupad ng batas o kaya  ang gumagawa ng batas mismo ang mismong umaabuso nito. Naniniwala ako na  masosolusyunan lang ang terorismo kapag ginagawa ng gobyerno ang lahat na  masustentuhan ang lahat ng mga mamamayan kahit ano man ang estado nito sa buhay at natigil na ang mga grupo sa pagiging gahaman sa kapangyarihan at pagmamay-ari ng  mga teritoryo. Masasabi ko rin na magiging maayos lang ang pagsasatupad ng R.A.  11479 kapag hindi na tinuturing kalaban ng estado ang mga kritiko at ang mga mahihirap. Samakatuwid, ang paghahanap ng solusyon sa terorismo ay nakabase na mismo sa mga  pamahalaan at sa mga nagpapatupad ng batas.

Comments